Mga Regalong Walang Balot

Posted: November 14, 2014 in The RYE Thing

Alam ko po na marami na ang bumati sa inyo ng “Happy Teachers’ Day” ngayong araw. Siguro rin po, kagabi pa kayo nasasabik na dumating ang umaga dahil alam ninyo na ang araw na ito ay para sa inyo. Kagabi pa rin po siguro nasasabik ang mga estudyante dahil alam nila na hindi kayo magtuturo. Marahil, may ilan na nagbigay ng mga bulaklak, ng mga tsokolate, ng mga manyika o ng iba’t ibang nakapagpasaya ng inyong puso kahit sa maliit na paraan. Lamang po, pagpasok niyo pa lang sa tarangkahan ng paaralan ay may nakaabang na agad upang bitbitin ang inyong dalang bag o makipagkuwentuhan man lang dahil nahihiyang magsabing “Ahy, ako na po ang magdadala ng gamit niyo.”. Panigurado po, pinaghandaan niyo ang araw na ito.


Sa araw na ito, gusto po naming magpasalamat sa mga pagtitiis ninyo. Pinagtiyagaan niyo po kami noong panahong pagpasok namin sa classroom ay amoy araw pa kami kahit hapon na. Kahit na dinurumihan namin ang sahig ng silid na bagong linis lamang ng mga cleaners, naunawaan niyo po kami. Hinabaan niyo po ang pasensiya ninyo kahit alam n’yo pong ilang beses namin kayong napagtawanan nang palihim dahil may chalk ang puwetan ninyo o di kaya’y may sulat ng penteplen sa mukha ninyo. Minsan ding pinaganda ng mga nakadikit na scotch tape sa damit o braso ninyo ang araw namin. Kahit po alam ninyo na minsan namin kayong binola ng “Wow! Ang blooming niyo po ah?”, hindi nag-init ang inyong ulo kahit alam niyong ang totoo, mukha na po kayong haggard dahil kami na ang pangpitong klase niyo. Sa halip, gumanti po kayo ng ngiti. Alam po namin na sa ngiting iyon, hindi niyo po alam kung matutuwa kayo dahil akala niyo totoo, o magagalit kayo dahil alam ninyong inuuto namin kayo.


Pasensiya na po sa pagpapahirap. Sorry po kung madalas, hindi niyo po maintindihan ang sulat namin sa mga essay type test. Sinasadya po talaga namin ‘yon para hindi niyo na basahin dahil wala naman talagang kalaman-laman ‘yon. Sorry po dahil minsan, hindi po talaga kami ang gumagawa ng mga takdang aralin. Tama po kayo, pinapagawa po namin ‘yon sa mga kaklase na kaya naming kutusan o ‘di kaya’y sa mga kaibigan namin na always to the rescue. Minsan na nga po naming pinagtripan kayo nang magpasa kami ng project dahil pinagrambol rambol lang namin ang paragraphs pero ang totoo, sa isang artikulo sa Google lang lahat nanggaling. Hindi niyo na rin po siguro mabilang ang mga idinahilan namin kung bakit madalas pa sa madalas ay hindi kami nakapagpapasa ng mga gawain sa deadline. Kesyo nagkasakit si nanay, si tatay, si lola o kung sinuman, nagbrown-out, nakalimutan sa bahay o walang pampaprint. Salamat po dahil lagi niyong ineextend ang pasahan. Aminin niyo nga po, may deduction na po ba ‘yon kapag ganon? Sorry po kung madalas naming pinagdarasal na sana, malimutan niyo ang visual aids niyo o sana nama’y ‘di gumana ang projector para sa presentation niyo. Alam po namin na pinagpuyatan niyo ‘yon. Pero aminin niyo po, minsan sa faculty room kayo nagsusulat sa manila paper ng lesson.


Pero kahit na po makukulit kami, sana po malaman niyo na mahal na mahal namin kayo. Kahit na mas marami pa ang segundo ng pagtuturo niyo kaysa sa kinikita niyo. Kahit na po mas makapal pa ang mga chinechekan niyo kaysa sa laman ng mga pitaka niyo. Kahit pa mas mahaba pa ang pasensiya niyo kaysa mga oras ng tulog niyo. Kahit na mas maraming beses namin kayong napasimangot kay sa napangiti. Kahit pa mas marami sa amin ang minsang nakalimot kay sa nakaalala. Kahit na mas marami pa kayong oras sa amin kay sa inyong mga kapamilya.


Salamat po, Ma’am at Sir! Kayo po ay mga napakagagandang regalo mula sa Panginoon na hindi na kailangang ibalot pa.

Hindi Sapat ang SPG Lang

Posted: November 14, 2014 in cWRITEicisms

I. ANEKDOTA

Minsan kong biniro ang kapatid ko na buti na lamang, hindi naging “troga” ang basa at baybay sa salitang  “droga”. Kundi, hindi magandang basahin…

Nangyari ito nang mapuna ko ang pagkakasalangsan ng mga letrang T,L,K,S,H,D sa paalalang SPG (‘Striktong Patnubay at Gabay) mula sa MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) o sa Filipino: Lupon sa Pagrerepaso at Pag-uuri ng Sine at Telebisyon. Ito (MTRCB) ay ang sangay ng gobyerno na sa kalakhang unawa, ay naglalayong protektahan, lalo na ang mga kabataan sa kanilang mga panuorin na magiging instrumento para sa pagpapaunlad ng kanilang moral na aspekto (ayon sa nakapaloob sa MTRCB Vision). Tuwing sabay kaming nanonood sa bahay, madalas naming napupuna ang mga palabas na mayroong paksa na nababahiran ng kahalayan, karahasan, at “double-meaning” mapapelikula man, komentaryo, o palatuntunan. Maraming panahon kaming nakapanood ng mga cartoon at pelikula na sadyang mararahas saan mang anggulo suriin. Maraming lengwahe ang hindi kaaya-ayang pakinggan at maraming mga eksena ang hindi basta-basta maaaring ipakita sa mga bata. Ang mas nakagugulat, “PG” lamang ang grado ng mga palabas na ito. Napaisip tuloy ako kung ano ang mga antas at pamantayan ng MTRCB sa paggragrado. At, ang isa pang mas nakababagabag na tanong, “Mayroon bang nararapat na antas ang “kaselanan” ng mga palabas?”

II. PAG-UYAM

Nakatatawang isipin na sa ilang mga programa, nagiging konserbatiba ang mga palabas kung saan nilalabuan o lubusang tinatanggal ang mga maseselang bahagi na  naglalaman ng mga eksenang may kinalaman sa “SPG: TLKSHD”. Mabuti ring hindi napahihintulutang banggitin ang mga salitang hindi magandang pakinggan sa tainga sapagka’t tunay ngang ang mga ito ay malaki ang nagiging pangkabuuang epekto sa impresiyon na malilikha sa programa o pelikula. May ilang mga programa rin na nakapokus sa agham, tamang kaugalian, kasaysayan, relihiyon, at marami pang iba. Ito ang mga programang nananatili sa ere sa kabila nang hindi paggamit ng: (a) mga babaeng nagtipid sa tela at naging magara sa kolorete (b) mahahalay na biro, pahayag, at eksena (c) hindi makabuluhang mga diwa. Sa mga ganitong bahagi, tahasang nakikita ang pagpapakitang halaga ng ilang programa sa sensorhip.

Sa kabilang banda, hindi maitatangging kapuna-puna ang napakaraming mga eksena at pahayag na nakakikiliti sa mga manunuod, o mambabasa. Ilang programa ang napalalampas (o pinalalampas) at nahahayaan (o hinahayaan) na maisatelebisyon o maisapelikula kahit  pa ang mga ito ay, sa kabuuan, naglalaman ng napakaraming aktibidad na hindi talaga pangkalakhang masa.

Tampok sa ibang mga programang pantelebisyon at mga eksenang pampelikula ang mga maseselang diyalogo (sa pagitan ng mga karakter), masasakit na salita (sa pagitan ng mga selebriti), madurugong tagpo (sa pagitan ng bida at kontrabida), naghahalikan sa mga eksena (sa pagitan ng mga batang karakter), sobrang nakatatakot na mga bahagi (sa kabuuang impresiyon), at pag-aabuso sa bawal na mga gamot (sa pagitan ng mga artista).

Maaaring sabihing hindi kayang kontrolin ng sangay na ito ng gobyerno ang mga aktibidad at kalayaan ng mga manunuod sa pagpili ng nais panuorin. Ngunit kung ang bagay na ito ay hindi kayang manipulahin, mangangahulugan ba ito na hahayaan na lamang nating nagkalat kahit saan ang mga maruruming mga programa? Walang tatangkilik kung walang tatangkilikin.

III. KALAYAAN SA PAGPAPAHAYAG

Napakalawak ng sakop ng kalayaang ito sa Saligang Batas ng Pilipinas. Ito ay naglalaman ng mga proteksiyong maaaring gamiting sandata ng sinumang inaakusahang lumabag sa karapatang pantao ng nagrereklamo kung pelikula o palatuntunang pantelebisyon ang pag-uusapan.

Oo nga’t ang sinuman ay may karapatang magdesisyon sa pamamaraan ng kanyang pagpapahayag. Subalit, hindi lahat ay may kakayahang magpahayag nang tama. Kung ang sex education lamang, halimbawa, ay nagdulot ng mga kumukulong debate sa Kongreso, sa partikular na mga talakaying “maituturo ba nang tama ito” o “magdudulot lamang ito ng kahalayan sa pagitan ng nagtuturo at tinuturuan”. Hindi baga’t patunay lamang ito na ang mga Pilipino ay hindi pa nagkakaisa sa kung ano ang mga bagay na “nararapat” at “hindi nararapat”? Samakatuwid, kung sa eskuwelahan na pormal ang paraan ng pagtuturo ay ibinibilang na maselan ang usaping nabanggit, hindi ba’t higit na nararapat itong pagtuunang pansin kung tatalakayin o isasama sa telebisyon o pelikula kung saan ang mga punong-abala o artista ay kayang-kayang ipahayag ang anumang tema sa pamamaraan na nais nila?

Dito nararapat pumasok ang MTRCB. Dahil pangunahing gampanin ng institusyong ito na protektahan ang mga manunuod sa mga posibilidad ng korupsiyon sa kanilang pag-iisip, mahigpit na pangangailangan sa mga media kagaya ng pelikula at telebisyon ang mas mainam na pagsasala. Sa madaling letra, ang lebel ng “obscenity” ng isang produksiyon ay kinakailangang maidentipika at nararapat masuri nang may kahusayan at kainaman.

Sa isang sitwasyong ang mga tumatangkilik sa palabas pantelibisyon o pampelikula ay walang gabay ng magulang, o ng  edukasyon, o ng edukadong tao na maaaring sumagot ng tama sa mga tanong at magbigay linaw sa malalabong bahagi, ano ang ating uunahin: ang kalayaan sa pagpapahayag o ang kapakanan ng masa?

IV. ANG SILBI NG MGA LETRANG G, PG, SPG

“Hindi mo maaaring subuan ng kanin ang isang sanggol na hindi man lamang marunong pang sumuso.”

Isang napakalaking impluwensiya ang mga bagay na ating napanunuod sa pamamaraan kung paano natin binubuo ang ating pamumuhay. Kung tutuusin, ang mga gawi natin ay hitik na bunga ng ating mga nakikita. Pinatutunayan ng napakaraming pananaliksik na ang paningin ang may pinakamalaking porsiyentong naiaambag sa pagkatuto ng isang indibidwal. Bilang patunay, isang artikulo sa Microsoft Encyclopedia Premium (MEP) 2009ang nailimbag at nagsasaad na wala nang iba pang nakauungos sa paraang biswal kung pagkolekta ng impormasyon ang pag-uusapan.

“More information is conveyed visually than by any other means.” (sipi mula sa MEP 2009).

Hindi baga’t sa sobrang laki ng nagiging epekto ng mga pelikula at telebisyon sa Pilipinas, ang “panunuod” ay isang pangkasanayang iminumungkahing idagdag na sa apat na na iba pang “macro-skills”?

Isipin natin, ano na lamang ang maaaring kahantungan kung ang ipakikitang mga materyal sa masa ay naglalaman ng mga hindi kaaya-aya at magagaspang na tema? Imposible kayang magkaroon din ng dibisyon sa kanilang mga pag-iinterpreta halintulad ng mga debate sa Kongreso? Ano marahil ang maaaring mangyari kung ang tama ay naging mali at ang mali ay naging tama? Kung magkagayon, masasabi pa bang nagagampanan ng MTRCB ang tungkulin nitong salain ang iba’t ibang mga palabas at bigyang desisyon ang mga nararapat at hindi?

Sabihin na nating angkop ang klasipikasyon kung ang isang panuorin ay G (General Patronage), PG (Parental Guidance), o SPG (Strict Parental Guidance), paanong nakasisiguro ang MTRCB na:

  1. Susundin (lalo na ng mga kabataan) ang mga marka o babala na ibinigay nito?
  2. May gabay ng magulang ang bata sa tabi nito habang nanunuod?
  3. May sapat na kaalaman ang magulang sa paggabay sa batang nanunuod?
  4. May kakayahan ang magulang na sagutin nang tama ang mga katanungan ng bata?

Maraming pamamaraan upang bigyang porma ang isang mensahe. Maraming pamamaraan upang manipulahin ang isipan ng mga manunuod. Marami ring pamamaraan upang magbigay babala. Ngunit, kung wala pang sapat na edukasyon ang maraming tao kung papaano nararapat tangkilikin o bigyang pananaw ang maseselang paksa, mananatili tayong mapapaso sa mga maling nagmumukhang tama.

V. ASPEKTONG ANATOMIYA AT SIKOLOHIYA

Sinasabing ang edad kung saan ang normal na tao ay nagkakaroon na ng kakahayang isegriga ang mali sa tama at humusga nang rasyonal sa kanyang paligid ay nasa pagitan ng 16 hanggang 18 (age of discernment). Sa mga edad na ito nakokompleto ang isang partikular na bahagi ng ating utak (frontal lobe) na responsable sa pamamaraan ng ating paghusga. Sa mga kabataang hindi pa nakaaabot sa kakayahang humusga nang tama sa mali at hindi pa ganap ang pag-unawa sa mga bagay-bagay, mahirap isipin kung gaano kalaki (at kalawak) ang magiging komplikasyon ng mga maseselang mga panuorin.

Bilang karagdagang sanggunian, isang dalubhasa sa Sikolohiya ang nagpanukala ng isang konsepto sa larangan ng Developmental Psychology (Jean Piaget: Preoperational Period re Egocentrism). Inilahad niya na ang mga batang may edad 2-7 taong gulang ay may kaugaliang paniwalaan lamang ang alam at inaakala niyang tama. Sa madaling salita, kumikiling ang bata sa sarili niyang pag-iisip nang wala nang ano mang pagtatangka na magtimbang pa sa mga variable sa paligid. Ito ay isang kritikal na bahagi ng tao na kapag hindi naitama ay nakakikilabot ang kahihinatnan.

Hindi maaaring balewalain ang mga makabuluhang aspekto sa mga ganitong usapin. Kung ang tinatalakay ay ang kapakanan ng kabataan, walang kahit na anong maliit na pananaliksik ang hindi dapat bigyang pansin.

VI. PANAPOS

Sinasabing “tao” ang pinakamahalagang sangkap sa isang estado. Bilang ambag sa hinahangad na pagkakaisa at kaunlaran, isang malaking bagay ang patuloy na pag-unawa at paglimi natin sa mga bagay na higit na nakaiimpluwensiya sa atin bilang mga mamamayan ng isang bayang hindi pa ganap ang pag-unlad. At, tunay ngang hindi natin makakamit ang lubusang pag-asenso kung ang mga bagay na maaaring makapagpasama sa atin ay nasa mismong harapan na natin; komportableng makikita anumang oras naisin; madaling mapapanuod anumang panahon gustuhin.

Ayon sa Banal na Kasulatan:

I Tesalonica 5:21-22

Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay, ingatan ninyo ang mabuti;

Layuan ninyo ang bawa’t anyo ng masama.

Isa itong banal na kautusan kung paanong sa kabila ng nagkalat na anyo ng kasamaan sa paligid, ang tao ay inaatasang umiwas sa mga ito. Kung susumahin, malaking ambag sana ang maibabahagi ng MTRCB sa pagkatupad ng talatang nabanggit kung mas magiging maigi at mahigpit ang mga pamantayan at ang pagpapatupad ng mga ito.

Panghuli, huwag sana nating kaliligtaan na kung mananatiling ipinalalabas, ipinababasa, at ipinaririnig sa masa ang mga palatuntunan at panuoring makalalason sa pamamaraan ng pag-iisip at paggawa ng sinuman, hindi kailanman magiging sapat ang SPG lamang.

Mga sanggunian:

Microsoft Encarta Premium, 2009

Encyclopedia Britannica Ultimate Reference Suite

mtrcb.gov.ph