Ang mga pagtunggali sa mga argumentong nakapaloob sa blog na ito ay naglalayong bigyang diin ang mga kalamangan at benepisyo ng pagbabasa ng mga pisikal na aklat at kung papaanong nararapat mas limitahan ang pagtangkilik sa mga electronic book o e-book na nagdudulot ng mga hindi kaaya-ayang epekto sa mga mambabasa. Ang may akda ay nakakiling sa paggamit ng mga babasahing pisikal.
ARGUMENTO: Mas makatitipid sa paggamit ng mga gadget kung saan mababasa ang mga e-book.
PAGTUNGGALI: Ang malaking posibilidad ng pagkakawala o pagkakanakaw ng isang gadget, mamahalin man o mumurahin ay mas malaki kung ikukumpara sa posibilidad ng pagkakawala ng isang pisikal na aklat. Nararapat din ikonsidera ang tuwi-tuwinang pagkakarga para sa baterya ng gadget na ginagamit. Mayroon ding mga pagkakataon na kailangang bumili ng salamin o ipagamot ang mga mata dahil sa epekto ng pagbabasa ng e-book. Nararapat ding isama sa pagkukuwenta ang ibinabayad sa internet upang maidownload ang mga e-book. Sa pagsusuma, hindi halos nagkakalayo ang maaaring gastusin sa paggamit ng e-book at ng normal na aklat. Sa katunayan, maaaring ibenta ang mga “physical book” nang hindi nalalayo sa orihinal na presyo.
ARGUMENTO: Mas marami ang maaari mong maging aklat sa paggamit ng mga e-book.
PAGTUNGGALI: Walang katotohanan. Ang mas mataas na bilang ng mga aklat sa mundo ng e-book ay isang mahinang argumento. Kung tutuusin, mas limitado ang maaaring makolektang libro sa silid-aklatan ng e-book kumpara sa tunay na silid-aklatan. Ang pisikal na silid-aklatan ay kayang magkubli ng mas maraming libro—hanggat may espasyo, maaaring kumolekta ng libro. Sa silid aklatan ng e-book, kapag napuno na ang memorya ng iyong gadget, kakailanganin nang magbura ng ilang mga libro upang muling makapagkubli ng mga bagong libro. Sa pisikal na silid aklatan, hindi mo kakailanganing magtapon ng mg lumang libro para lamang magkalugar ang mga bago.
ARGUMENTO: Mas madaling bitbitin o “convenient” ang paggamit ng e-book.
PAGTUNGGALI: Hindi mo naman kakailanganing magdala ng isang buong silid aklatan tuwing ikaw ay may mga materyal na kailangang basahin. Malaki ang tiyansa na maubusan ng baterya ang gadget na pinagbabasahan ng e-book na magiging dahilan upang mawala ang interes ng mambabasa sa kaniyang binabasa at di kalauna’y hindi na tatapusin ang babasahin. Maaari ring magkaroon ng disoryentasiyon sa panig ng mambabasa kung siya ay magbabasa ng iba’t ibang babasahin sa iisang panahon. Hindi tulad ng pisikal na aklat, magkakaroon ng pamilyaridad ang mambabasa sa mga pahina na magbubunga ng mas madali at mahusay na pagbasa; mas makapagpopokus ang mambabasa sa babasahin sapagka’t hindi magiging himay-himay ang kaniyang atensiyon.
ARGUMENTO: Mas maraming mababasa sa e-book kaya mas marami ang matututuhan.
PAGTUNGGALI: Hindi makabuluhang sabihin na kapag mas marami ang materyal, mas marami ang matututuhan ng isang mambabasa. Nararapat ikonsidera ang otentisidad ng mga impormasiyon, baliditi ng mga sanggunian, kalakasan ng mga argumento, kahusayan ng mga pag-iinterpreta, konstruksiyon ng balirala, kaugnayan ng mga pangungusap, kaisahan ng mga diwa, kaepektibuhan ng mga salita. Ang mga pang-akademikong babasahin ay maingat sa paglalathala ng mga aklat; dumaraan din ang mga ito sa napakaistriktong proseso ng paglilimbag. Sa mga e-book kung saan kakaunti ang nagbibigay ng masugid na atensiyon sa mga nabanggit, mas malawak ang posibilidad na mali ang mababasa at maitatatak sa utak ng mambabasa.
ARGUMENTO: Mas matagal ang iginugugol na oras ng mambabasa sa e-book.
PAGTUNGGALI: Ang mismong argumentong ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi nararapat tangkilikin ang e-book. Maaaring magdulot ang pagbababad sa monitor ng isang gadget ang paggamit ng mas maraming “mental energy”; mas mababang lebel ng pag-unawa sa materyal; masakit na batok; masakit na likod; masasakit at tuyong mga mata. Sinasabing ang mas malalalang epekto ay maaaring lumabas sa katagalan ng pag-abuso sa paggamit ng teknolohiya. Kung magiging dependent na ang isang mambabasa sa e-book bilang sanggunian, hindi malayong ang masasamang bunga ng pagbabasa ng e-book ay anihin sa mabilisang panahon.
Ang alinmang pag-abuso sa mabuting dulot ng anumang bagay ay maaaring magbunga ng masasamang epekto. At, yaman din lamang na ang mga negatibong posibilidad ay nakalapat na sa ating harapan, makabuluhang iwasan na natin ang mga dapat iwasan upang pagdating ng hindi katagalan, wala tayong dapat pagsisihan.
Mga sanggunian:
ILANG PALIWANAG ni Virgilio S. Almario
http://www.buzzfeed.com/isaacfitzgerald/books-battle-royale
http://www.uloop.com/news/view.php/134689/E-Books-vs-Printed-Books-The-21st-Cent
http://publiclibrariesonline.org/2014/02/the-physical-effects-of-e-reading/
http://www.scientificamerican.com/article/bright-screens-could-delay-bedtime/
http://blogs.edweek.org/edweek/DigitalEducation/2014/04/early_concerns_about_e-books_e_1.html