ADD: 34

Posted: November 19, 2014 in ---only for HIM---

TALATAAN: BUMABAHANG PAKIKIISA

Sa temang “Shaping a Nation Zealous of Good Works” , ipinagdiwang ng mga miyembro ng Church of God International (MCGI) ang kabutihan ng Dios sa pagpapahintulot Niyang makaabot ang Ang Dating Daan (ADD) sa 34 na taon—4:00 ng hapon, ika-30 ng Oktubre, Smart Araneta Coliseum.

Pinuno ng libu-libong kasapi ng MCGI at kanilang mga bisita ang paligid ng Smart-Araneta bago tuluyang binuksan ang Big Dome sa oras na ika-apat ng hapon. Kinailangang triplehin ang pila sa lahat ng tarangkahan dahil sa dami ng mga dumalo.

Hindi mahulugang-karayom pagdating sa loob ng Coliseum. Sa mga hindi pinalad na makapasok, alinsunod na rin sa patakarang ipinatupad ng Smart-Araneta, sabayang binuksan ang 1,360 coordinating centers ng MCGI upang mabigyang-lugar ang mga dumalo. Gayundin, ang malalaking lokal sa ibayong-dagat na pinuno ng mga kapatid sa MCGI at ng mga panauhin.

 

PANIMULA: MASIKHAY NA PAGBATI

Gaya ng nakaugalian ng mga kasapi sa MCGI, pinangunahan ng isang mataimtim na panalangin ang selebrasyon ng ika-34 na taon ng programang Ang Dating Daan (ADD).

Sinundan ito ng mga espesyal na bilang pagtatanghal mula sa ilang miyembro ng ADD Orchestra. Naghandog din ng mga bilang awit at sayaw papuri sa Dios ang Ministeryo ng Musika at ng Teatro Kristiyano ng MCGI, na masigla rin namang sinabayan ng mga nagsidalo.

Nagbalik-tanaw sa kasaysayan ng ADD si kapatid na Daniel Razon, Pangalawang Tagapangasiwang Pangkalahatan ng MCGI. Binanggit niya ang mga naging proyektong pang-serbisyo publiko na pinangunahan ng ADD sa loob ng 34 taon, na siya namang napapaloob sa temang “Shaping a Nation Zealous of Good Works” (Paghubog sa Isang Bayang Masikhay sa Mabubuting Gawa).

Naging hudyat naman ang awiting Itanong Mo kay Soriano upang simulan ang pinakamalaking Worldwide Bible Exposition sa taong ito.

 

PAGLAWAK: ANG PAGLAWIG NG IGLESIA

Isa sa naging tampok sa pagsisimula ng selebrasyon ang mga testimonya ng ilang dating pastor mula sa iba’t ibang bansa sa Kanluran. Kanilang isinaysay kung paanong sa pamamagitan ng ADD ay naituwid ang kanilang mga maling paniniwala sa relihiyon.

Nag-umpisang makilala ang ADD sa bahaging Kanluran taong 2007. Sa maikling panahon ng pagsasahimpapawid ng programa, marami ng mga naanib na dayuhan sa samahang MCGI. Sa mga sumunod pang mga taon, bawat linggo ay may mga binabautismuhan na ang karamihan ay sa Timog Amerika at Aprika nagmumula.

Sa kasalukuyan, ang programa ay may bersyon sa Ingles, Niponggo, Mandarin, Espanyol, at Portuges. Ito ay sumasahimpapawid sa iba’t ibang estasyon ng telebisyon sa buong mundo sa pamamagitan ng direct-to-home satellite, maging sa Internet.

ANG DATING DAAN: NANG PASIMULA…

Ang programang Ang Dating Daan ang itinuturing na pinakamatagal na palatuntunang panrelihiyon sa radyo at telebisyon sa Pilipinas. Ang palatuntunan ay walang patid sa pagtugon sa iba’t ibang usaping may kinalaman sa espirituwalidad at pananampalatayang Kristiyano.

Nagsimula ang programa sa radyo taong 1980 at sa telebisyon taong 1983. Noon, ang palatuntunan ay nagtatagal lamang ng 30 minuto. Ngunit sa paglaon ng panahon at paglago ng makabagong teknolohiya, ang programa ay mapanonood na 24 oras araw-araw.

Sa loob ng 34 na taon, pinatunayan ng ADD sa kanilang mga masugid na tagahanga at tagapanood ang pagiging biblikal at sinsero ni kapatid na Eli Soriano, ang pangunahing tagapagsalita ng programa, sa pagtugon sa mga suliraning panrelihiyon.

PAGTUGON: MGA SERBISYONG PANLIPUNAN

Ang pagtulong at paggawa ng mga tagasuporta ng ADD ay buhat sa itinuturo ni Bro. Eli Soriano mula sa Biblia na “walang mabuting gawa na magbubunga ng masama.”

Ilang sa mga serbisyong regular nang inilalaan ng Ang Dating Daan sa iba’t ibang komunidad sa buong mundo ay ang pagbibigay ng libreng atensyong medikal at alalay-pinansiyal sa mga matatandang inulila ng kanilang mga pamilya; pagbibigay ng dugo; paglilinis sa mga komunidad; at pagbisita sa mga bahay ampunan.

Para sa pagdiriwang ng ika-34 na taon ng Ang Dating Daan sa taong ito, kampanya sa kalinisan, libreng pamamahagi ng mga pagkain, pagbisita sa mga ospital at bahay ampunan, libreng serbisyong medikal, at pagdodoneyt ng dugo ang ilan sa mga pangunahing aktibidad na isinagawa sa mga siyudad sa Bolivia, Liberia at Ghana sa Aprika, at Hilagang Amerika kung saan maraming mga kaanib ng MCGI ang masayang tumugon at nakibahagi.

Ang mga serbisyong ito na ipinagkakaloob ng Ang Dating Daan ay pawang libre at hindi lamang nakalaan sa mga kasapi sa MCGI, kundi pati sa kasapi sa ibang relihiyon o paniniwala.

 

PAGTATAPOS: PAG-ANYAYA MULA SA TAGAPANGASIWANG PANGKALAHATAN

Ang buong programa ay tinapos ng isang mataimitim na panalangin.

Bago lumisan ang mga nagsidalo, inimbitahan ng Kapatid na Eli ang mga bisita na makapakinig ng mas detalyadong aral sa mga regular na mass indoctrination sa mga lokal ng MCGI.

***

Pinatotohanang muli ng MCGI na ang tunay at makabuluhang pagpapalaganap ng mga salita ng Dios ay hindi nagtatapos sa tatlumpu’t tatlong taon ng pagpapahayag lamang.

 

Mga katuwang sa pananaliksik:

www.mcgi.org

www.angdatingdaan.org

Youtube.com

Facebook Accounts: Ang Dating Daan and MCGI

 

Katuwang sa pagrerebisa:

Bb. Cecile Vizcaya

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s